2025 Budget ni BBM: kontra-manggagawa, kontra mamamayan

Mariing kinukundena ng Kilusang Mayo Uno ang pag-apruba ni Bongbong Marcos ng 2025 Budget na siksik sa pork ng mga burukrata at pondo para sa militarisasyon, ngunit salat sa pampublikong serbisyo, pag-unlad ng industriya at paglikha ng regular na trabaho, at pagtiyak ng mga karapatan sa paggawa. 

Sa kasalukuyang budget, may 1.1 trilyong pondo ang DPWH at 26 bilyong pondo ang AKAP – mga pondong pinagkukunan ng kickback ng mga bulok na pulitiko mula sa pork barrel infrastructure, at pondong nagagamit sa patronage politics. Sa konteksto ng papalapit na halalan, ang pondong ito ay pondong magtitiyak na makapanumbalik ang mga trapo at dinastiya sa susunod na eleksyon.

Sa kabilang banda, inaprubahan ang pagkaltas sa pondo para sa pagtatayo at pagsasaayos ng mga classroom, ang pondo para sa pagpapaunlad ng mga public hospitals at pagamutan, at ang 0 subsidy ng PhilHealth. Hindi dinagdagan ang pondo para sa pagpapaunlad ng mga lokal na industriya na siyang magluluwal sana ng regular na trabaho. Malinaw na sa harap ng matinding kahirapan, wala sa “Agenda of Prosperity” ng 2025 budget ang kagyat na ginhawa sa mamamayan.

Samakatuwid ang pondong ito ay hindi magdudulot ng pag-unlad, at sa halip ay magluluwal pa ng mas matinding paghihirap ng mamamayan. Ang pondong nakatuon sa korapsyon at karahasan ay hindi magdudulot ng pag-unlad kailanman. 

Ang pondong pinambubusog sa mga alyadong pulitiko at militar, ay pondong nagmumula at inilalaan dapat sa manggagawa’t mamamayan. Nasa ating pagkakaisa matitiyak na nagagamit ang ating buwis para sa ating kapakanan, at na hindi ito magamit sa katiwalian.