Nananawagan ang Kilusang Mayo Uno ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Malinaw na ang kaniyang pangungulimbat sa confidential at intelligence funds ay isang matinding pagtataksil sa ating sambayanang Pilipino, lalo na sa ating mga manggagawa at pamilya.
Sa gitna ng tumitinding krisis pang-ekonomiya at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, bilyun-bilyong piso ang ginasta ni Sara Duterte nang walang paliwanag. Ang P125 milyong confidential funds ng DepEd noong 2022 at P375 milyon naman noong 2023 ay maaari sanang ginamit para sa mga agarang pangangailangan ng mga guro, mag-aaral, at mga paaralan. Sa halip, ito ay winaldas sa mga di-malinaw na “intelligence activities” na walang kinalaman sa edukasyon.
Samantala, ang mga manggagawa ay naghihikahos sa kawalan ng trabaho, mababang sahod, at nagtataasang presyo ng bilihin at yutilidad. Ang P150 bilyong confidential at intelligence funds ng buong administrasyong Marcos Jr. ay sasapat na sanang ayuda para sa mga manggagawa at maralita na naging biktima ng mga nakaraang sakuna.
Hindi dapat tabunan ng iskandalo at katiwalian ng mga Duterte ang katotohanan na maging ang paksyong Marcos Jr. ay batbat ng korapsyon. Sa katunayan, P1.3 trilyon ang Presidential Pork Barrel na isinuksok ng rehimen sa 2025 National Budget. Nanawagan ang Kilusang Mayo Uno na dapat ding managot si Marcos Jr. sa tuloy-tuloy niyang pangungurakot na pinipilit ikubli sa bangayan nila ni Vice President Sara Duterte.
Hinihikayat namin ang lahat ng manggagawa at mamamayan na magkaisa at lumahok sa mga protesta para igiit ang hustisya at pagbabago. Dapat managot ang mga abusado at kawatang mga opisyal at ibalik sa mamamayan ang perang ninakaw!
Impeach Sara Duterte NOW!