Kinukundena ng Kilusang Mayo Uno ang di makatarungang pagdetine, red-tagging, blacklisting at deportasyon kay Marikit Saturay, isang artista-musikero at kabataang aktibista.
Nitong Marso 7, lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Marikit upang dumalaw sa kanyang mga kamag-anak sa okasyon ng ika-100 kaarawan ng kanyang lola.
Idinetine siya ng mga immigration officers, inakusahan na sangkot sa mga “anti-gobyernong aktibidad,” at may kaugnayan sa mga aktibista at komunista. Matapos nito, hindi siya papayagang lumabas ng immigration checkpoint. Pinagkaitan rin siya ng karapatang sumangguni sa kanyang abogado at kalauna’y pinabalik sa The Netherlands.
Tagapagtanggol ng karapatan ng mga migranteng manggagawa si Marikit bilang kasapi ng Migrante-Netherlands. Bilang manggagawang pangkultura, isinasanib rin niya ang husay at talento sa pagpapalakas ng mga kampanya ng mga migrante para sa kanilang karapatan at kapakanan.
Nangyari ang insidenteng into matapos ang pangyayari kay Edna Becher, tagapangulo ng Anakbayan Switzerland na dineport rin sa katulad na mga paratang.
Ang ganitong mga atake sa mga mga tanggol-karapatan ay sa layong gipitin ang paglaban ng mamamayan para sa karapatan at kapakanan nila, at busalan ang mga nagpapakita ng tunay na kalagayan. Dapat itong kundenahin at labanan ng manggagawa at mamamayan!