Hustisya para kay Kal Peralta! Panagutin ang AFP-PNP sa paglabag sa karapatang pantao at international humanitarian law!

Kinukundena ng KMU ang walang-habag na pagpaslang ng mga elemento ng AFP kay Kaliska Dominica “Kal” Peralta, dating lider-estudyante sa UP Diliman na nagpasyang manilbihan sa masang magsasaka at katutubo sa kanayunan. Inihiwalay sa kanyang mga kasamahan at saka pinaslang si Kal nang di na ito armado sa isang tahasang paglabag sa internasyunal na makataong batas.

Inaresto naman ang kanyang tatlong kasamahan, kasama ang sanggol na anak ng dalawa sa mga inaresto. Sa parehong barangay, dinukot at sapilitang iwinala ng mga elemento ng militar ang organisador ng KMU Southern Mindanao na si William Lariosa. Sinasalamin ng serye ng mga pangyayari na ito ang nagpapatuloy at tumitinding terorismo ng AFP at ng administrasyong Marcos Jr. sa Bukidnon, sa Mindanao at sa buong bayan.

Matapos paslangin, patuloy na ipinangangalandakan ng AFP ang kanilang naratibo na si Peralta ay “brainwashed,” at na mali ang kanyang naging desisyon na tahakin ang landas ng rebolusyonaryong pakikibaka. Hindi ito sinasang-ayunan ng mga manggagawa.

Pinagpupugayan ng uring manggagawa ang makabuluhang buhay ni Kal na inialay sa layunin ng tunay at pangmatagalang kapayapaan at hustisya. Isa siyang tunay na lingkod ng uring manggagawa at masang anakpawis hanggang sa kanyang huling hininga. Isa siyang mabuting anak ng bayan na nangarap ng mas maalwang kinabukasan para sa buong bayan at mga susunod na salinlahi.

Sa maraming pagkakataon, nakasalamuha ng KMU si Kal sa kanyang panahon bilang aktibista sa kilusang kabataan-estudyante. Bilang tagapangulo ng League of Filipino Students sa UP Diliman, ikinampanya niya ang pagsanib ng mga aktibista sa UP Diliman sa mga batayang sektor ng manggagawa, magsasaka at maralitang lungsod. Itinulak niya sa mga kabataan ang pag-aaral ng mga paksa hinggil sa kilusang manggagawa, neoliberalismo, imperyalismo at ang adhikain ng sosyalismo kung saan naimbitahan ang mga lider ng KMU upang magbahagi.

Pinahalagahan niya ang pag-ugnay at paglubog ng mga kabataan sa mga manggagawa upang lalong mahubog ang paninindigan at pananaw. Naging intern rin siya ng media outfit para sa mga manggagawa na Mayday Multimedia. Suki at tagapaghatak si Kal sa mga pakikibakang masa ng manggagawa sa panahong iyon gaya ng mga welga Pentagon, Golden Fortune at Tanduay. Ikinampanya niya rin ang paglahok ng mga kabataan sa UP Diliman sa mga integrasyon sa Hacienda Luisita at iba pang komunidad ng manggagawang bukid. Noong 2015, umambag siya sa malawakang pagpapakilos sa panawagang Save Mary Jane Veloso.

Anumang dungis ang tangkang ibahid ng mga pasista at berdugo sa pangalan at alaala ni Kal Peralta, nakaukit na sa puso ng mamamayang Pilipino na kanyang pinagsilbihan ang dakilang ambag ni Kal sa pagsusulong ng pambansang kalayaan at demokrasya, at ganap na pagbabagong panlipunan. Walang makapagbubura nito.

Mabuhay si Kal Peralta! Hustisya ang aming sigaw! Panagutin ang mga berdugong pumaslang sa kanya!

#JusticeForKal


Posted

in

, , ,

by