Nitong ika-9 ng Hulyo, sinampahan ng gawa-gawang kaso ang mga lider-unyonistang sila Rodrigo Esparago, Ed Cabuelo, at iba pang indibidwal. Ang gawa-gawang kasong ito ay nasa ilalim ng batas na Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020 at alinsunod sa rekomendasyon mismo ng Lungsod ng Cabanatuan sa Malolos Regional Trial Court. Sila ay pinaratangang bahagi ng engkwentro na naganap sa pagitan ng New People’s Army (NPA) at Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Oktubre 8, 2023 sa Nueva Ecija.
Kung ating aalalahanin, noong panahon ng pandemya, inuna ng gobyernong Duterte ang pagsasabatas ng Anti-Terror Law kaysa sa kapakanan ng mga tao. Ito ay nagpapakita ng pagmamaliit ng rehimen sa ating mga demokratikong karapatan at ang pagmamadali nitong pigilin ang anumang anyo ng pagkilos. Ngayon, buong buo nang pinapatupad ng rehimeng Marcos Jr. ang ATA at pinagpapatuloy ang mga atake sa mga Pilipino, mga unyonista, at mga aktibista. Ito ay sa kabila ng hatol ng Korte Suprema na ang red-tagging ay “bumubuo ng mga banta sa karapatan ng isang tao sa kanyang buhay, kalayaan, o seguridad”.
Ang kalayaan ng pagtitipon ay isang batayang haligi ng demokrasya, na nagbibigay-daan sa mga indibidwal na magkaisa upang ipaglaban ang kanilang mga demokratikong karapatan. Ang walang tigil na panggigipit at pang-aapi sa mga lider ng unyon at aktibista ay hindi lamang lumalabag sa kanilang mga karapatan kundi nagpapahina rin sa mismong esensya ng demokrasya.
Ang patuloy na mga atake sa mga Pilipino, lalo na sa mga nagsusulong ng pagtaas ng sahod at karapatan sa pag-uunyon, ay nagpapakita ng kontra-manggagawang kalikasan ng rehimeng Marcos Jr. Ang rehimeng ito ay patuloy na lumalabag sa mga demokratikong karapatan ng mga unyon at manggagawa, layuning pigilin ang pagtutol at panatilihin ang kanilang kapit sa kapangyarihan sa pamamagitan ng takot at panggigipit.
Ang Kilusang Mayo Uno ay nakikiisa sa mga unyonista, aktibista, organisador ng manggagawa, at iba pang mga biktima ng pasistang panunupil ng estado. Sa gitna ng mga atake, hinihikayat namin ang manggagawa at mamayang Pilipino na magkaisa at makibaka para sa ating mga batayang karapatang tahasang nilalabag ng rehimeng Marcos Jr.
Nananawagan kami na agarang ibasura ang mga gawa-gawang kaso kina Rodrigo Esparago at Ed Cubelo, gayundin sa iba pang mga lider-manggagawa. Nararapat na ibasura na ang Anti-Terror Law na instrumento ng pasistang panunupil ng estado.
Ang mga atake sa mga unyonista at aktibista ay lalo lamang nagpapatibay sa aming determinasyon na labanan ang tiraniya at itatag ang isang lipunan kung saan ang karapatan ng lahat ay pinapangalagaan at pinoprotektahan. Hindi maaaring pigilin ng rehimeng Marcos Jr. ang kalayaan at demokrasya; magtatagumpay ito sa pamamagitan ng kolektibong pakikibaka ng mga Pilipino.