KMU on inflation, unemployment data: harap-harapang panloloko sa manggagawa at mamamayan

Manloloko rin talaga itong gobyerno ni Marcos. Pinapamandila ang pagbaba ng inflation mula 3.3% noong Agosto tungong 1.9% ngayong Setyembre at ang pagbaba ng unemployment mula 4.7% noong Agosto tungong 4% ngayong buwan upang pabanguhin ang basurang trabaho ng gobyero sa pagresolba sa unemployment at kahirapan.

Ang pagbagal ng inflation ay hindi katumbas ng pagbaba ng presyo ng mga bilihin. Mas mabagal lang ang pagtaas ng presyo ng bilihin, pero tumataas pa rin ito. Halimbawa na lang ang presyo ng langis na dalawang linggo nang magkasunod na tumataas. Imbis pa na bawasan ang buwis na kinakarga ng mamamayan, nagdagdag pa ng saklaw ng VAT ang gobyerno upang isama ang mga digital services.

Dahil barya-barya pa rin ang dinadagdag sa sahod ng mga manggagawa, nananatiling kapos at hindi makasabay ang sahod sa nagtataasang presyo ng mga manggagawa sa kanilang mga batayang pangangailangan. Mas matindi ito para sa malaking bilang ng mga manggagawang impormal na hindi sahuran tulad na lamang ng mga maliliit na manininda. Dahil sa maliit na halaga ng perang umiikot sa pamilihan, hindi nakakakita ang mga impormal na manggagawa at napagkakaitan sila ng akses sa pagkain at pampublikong serbisyo.

Sa pagbaba naman ng unemployment, unang dapat ipunto na binago ng DOLE ang depinisyon ng “employed” sa manggagawang nagtatrabaho ng minimum lang ng isang oras sa isang linggo. Dapat ding usisain kung anong tipo ng trabaho ang nililikha ng gobyerno. Seasonal at freelance na walang katiyakan at walang benepisyo? Kontraktwal na pwedeng sisentahin kung kailan gusto ng mga malalaking negosyante?

Ang tunay na kailangan ng mga manggagawa ay abot-kayang bilihin at regular na trabaho. Dapat kontrolin ang pagkaganid ng mga negosyante at mga pulitiko, at buwisan ang mga mayayaman tungo sa pagbibigay ng pampublikong serbisyo sa mga mamamayan. Sa pangmatagalan, kailangan ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa upang lumikha ng disenteng trabaho para sa manggagawa at mawakasan ang gutom ng mamamayang Pilipino.  

Kahit anong pinapoging datos ang ilabas ng gobyerno, hindi nito mapapabulaanan ang gutom at kahirapang danas ng mga manggagawa sa araw-araw. Tungkuling nating mga manggagawa at mamamayan na mangalampag, magprotesta at itulak ang gobyerno na tugunan ang ating kapakanan at karapatan.


Posted

in

, , , , ,

by