Patunay ang tanggalan ng higit 800+ na regular na manggagawa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa matagal na naming sinasabi: ang pribatisasyon ay walang ibang dulot sa bayan kundi malakihang tanggalan at pagkakait ng pampublikong serbisyo sa mamamayan.
Noong nakaraang buwan, nasiwalat na ang epekto ng pribatisasyon sa water districts nang tanggalin ang mga manggagawa ng Bacolod City Water District (BACIWA) dahil sa “reorganization” nang pumasok ang Prime Water ng mga Villar. Sa tabing ng “reorganization” muling kinukubli ng mga Ang ang katotohanang masaker sa kabuhayan ang ginawa sa pagpasok ng San Miguel Corporation sa NAIA.
Direktang dulot din ng pribatisasyon ang pagtataas ng singil. Wala pang isang linggo mula nang pasukin ng mga Ang ang pamamahala sa NAIA, agad nang nagtaas ng singil ang parking fees sa paliparan mula 40 pesos tungong 50 pesos para sa unang dalawang oras, at 300 pesos tungong 1200 pesos para sa overnight parking ng mga sasakyan.
Ang kailangan ng mga manggagawa at mamamayan ay trabahong may kasiguruhan at serbisyong dekalidad at abot-kaya. Salungat ang layunin ng pribatisasyon sa mga kahingiang ito ng manggagawa’t mamamayan dahil ang kaibuturan ng pribatisasyon ay pagkamal ng malaking kita mula sa pagpasok ng mga kapitalista sa mga batayang pangangailangan ng bayan. Kaya hindi ito pag-unlad, sa katunayan ay balakid ito.
Sa pinakamabilis, kailangang itigil ng gobyerno ang pakikipagsabwatan sa malalaking kapitalista na pinagsasamantalahan ang pangangailangan ng mamamayan para sa serbisyong panlipunan. Dapat buwisan ang mga ganid na kapitalistang ito, at ito ang ilaan sa pagpapaunlad ng ating mga pampublikong serbisyo. Dapat itigil ni Bongbong ang paglalako ng ating mga batayang serbisyo bilang pangunahing nagtutulak ng pagsasapribado ng mga government-owned and controlled corporations.
Hinihikayat namin na ipakita ng mamamayan ang tunay na kalagayan ng ating tubig, kuryente, healthcare, transportasyon, at mga paliparan upang ipakita ang totong epekto ng pribatisasyon sa mamamayan. Labanan natin ang mga ganid na kapitalista at pulitikong pinagkakakitaan lang ang ating mga batayang pangangailangan at hindi ito pinapaunlad para sa ating kapakanan. Magkaisa tayo sa paglaban upang maisapubliko ang transportasyon at iba pang pampublikong serbisyo sa Pilipinas.