Mahigpit na kinukundena ng Kilusang Mayo Uno ang pakikialam ng management ng Nexperia sa ginagawang strike voting ng mga manggagawa nito.
Bago pa magsimula ang strike voting, nakaranas na ng panggigipit ang mga manggagawa ng Nexperia mula sa management. Kunwaring pinapagamit nila ang pasilidad ng kumpanya nang may iba’t ibang kondisyon. Pinapa-tap ng management ang mga ID ng mga manggagawa, pinapa-stamp ang balota, o ‘di kaya’y magpasok ng representative ng kumpanya sa loob ng botohan.
Marapat na alalahanin na ang strike voting ay aktibidad mismo ng mga unyon nang wala ang presensya ng kumpanya. Ang mga kondisyon ng management sa mga manggagawa ay isang porma ng intimidasyon at union interference. Pinipilit ng management na labagin ang privacy ng mga papasok sa strike pati ang panghihimasok sa kanilang strike voting.
Bago pa ang strike voting, bunsod ng tuluy-tuloy na tanggalan ng mga manggagawa, natutulak ang Nexperia Phils. Inc. Workers Union-NAFLU-KMU, na kumakatawan sa libu-libong manggagawa ng kumpanya, na mag-file ng Notice of Strike noong June 26.
Makalipas ang filing, mahigit na 300 na manggagawa pa ang tinanggal. Cost-cutting at automation ang dahilan ng tanggalan. Walang ibang ibig sabihin ito kundi ang pagnanasa ng Nexperia Phils. Inc. na kumamal nang mas malaking tubo kapalit ang kabuhayan ng mga manggagawa at ng kanilang pamilya.
Kaya’t makatarungan ang mag-welga para itigil ang ginagawang paglabag ng kumpanya sa karapatan ng mga manggagawa. Ang paggamit sa kapangyarihang ito ng unyon ay kinakailangan upang labanan ang iba’t iba at tuluy-tuloy na paglabag ng kapitalista sa mga manggagawa.
Sampu ng manggagawang Pilipino, buung-buo ang suporta ng Kilusang Mayo Uno sa mga manggagawa ng Nexperia na ipagtagumpay ang YES to STRIKE VOTE at labanan ang malawakang tanggalan. Ang laban ng manggagawa ng Nexperia ay laban ng manggagawang Pilipino.
Manggagawang Pilipino, magakaisa! Suportahan ang laban ng mga manggagawa ng Nexperia!