Mariing kinukundena ng KMU, sampu ng manggagawang Pilipino, ang di-makatarungang hatol na guilty sa gawa-gawang kasong child abuse na isinampa laban kina former Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at kasalukuyang ACT Teachers Rep. France Castro.
Kasama sa nahatulang guilty ang walo pang teacher at ang administrator ng Salugpungan Ta ‘Tanu Igkanogon Community Learning Center and the Community Technical College of Southeastern Mindanao, at dalawa pang guro mula sa Alliance of Concerned Teachers.
Malinaw na ipinapakita ng atake na ito ang patuloy na panunupil sa mga naninindigan para sa interes ng mga manggagawa, magsasaka, katutubo at iba pang aping mamamayan.
Isinampa ang kaso matapos makilahok ang mga guro at mga kinatawan ng Makabayan sa solidarity missions para sa mga Lumad, kabilang na ang mga bata at kabataan, na nasa matinding panganib dulot ng pambobomba at militarisasyon sa kanilang lupaing ninuno.
Ang tanging hinangad ng mga kinasuhan ay ligtas na mailikas ang mga Lumad mula sa terorismo ng estado sa Mindanao.
Walang batayan at hindi katanggap-tanggap para sa uring manggagawa ang desisyon dahil simulat-sapul, gawa-gawa, malisyoso at tahasang kasinungalingan ang kasong isinampa ng NTF-ELCAC sa layuning magdala ng ligalig at takot sa mga Lumad at sa mga umaagapay sa kanila.
Matingkad rin itong halimbawa ng pananatili ng mga kontra-mamamayang patakaran ng panunupil sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Pagpapakita na binabalasubas ang mga batayang karapatan parehong sa ilalim ng mga Duterte at Marcos.
Walang pinag-iba. Walang mapapala ang mamamayan. Tanging sa ating pagkilos at pagsulong ng ating mga panawagan makakamit ang tunay na pagbabago.
Malawakang batikusin ang di-makatarungang hatol na guilty sa mga progresibong kinatawan at gurong makabayan! Manggagawa at mamamayan, kumilos para sa kapakanan at karapatan!