Manggagawang Pilipino at pamilya, magkaisa at pag-ibayuhin ang pagdadamayan sa panahon ng matinding sakuna! Sama-samang singilin ang gobyernong inutil at pabaya!

Ang kamakailang hagupit ng Bagyong Carina, Butchoy, at ng habagat ay nagdulot ng malubhang epekto sa mga manggagawa at pamilyang Pilipino sa buong bansa, inilantad at pinalala ang mga hamon na kinakaharap na ng ating mga kababayan. 

Nitong ikatlong SONA niya lamang, ipinagyabang ni Marcos Jr. ang kanilang P244.6 bilyon na flood control project sa Metro Manila. Sa kabila nito, umabot na sa 3.6 milyong mga Pilipino sa Luzon ang naapektuhan ng sakuna, 211,000 na ang lumikas, 2 nawawala, at 34 na pumanaw. 

Kinukundena ng Kilusang Mayo Uno ang tahasang pagtalikod ng administrasyon ni Marcos Jr. sa pagresponde sa masang Pilipinong naapektuhan ng sakuna. Inilarawan ng pagtugon nito sa hagupit ng bagyong Carina ang kriminal na kapabayaan ni Marcos Jr, at ang pagbaling ng sisi sa mamamayan na ayon sa kanya ay ‘di tamang nagtatapon ng basura. Itinatanggi ng pahayag na ito ni Marcos Jr. ang malalalim at sistematikong ugat ng pagdurusa ng bayan tuwing may sakuna. 

Ang gobyerno ang nagpalala mismo ng pinsala sa mamamayan at bansa, hindi ang masang Pilipino. Kung aalalahanin, si Marcos Jr. mismo ang nagratsada ng reclamation projects sa Manila Bay na nagdulot ng pagkasira sa mga natural barriers sana ng bansa. Ang administrasyon na ito rin mismo ang nagtulak ng samu’t saring mga proyekto ng mga mapaminsalang quarrying, mining, logging, at deforestation na ikinaresulta ng pagkawasak ng mga bulubundukin ng Sierra Madre at iba pang parte ng bansa.

Habang tayo ay nakararanas ng pinsala dulot ng kalamidad na ito, papogi ang inaatupag ng gobyernong Marcos Jr. Dumalo sa meeting, at nagpa-picture taking na namimigay ng ayuda habang itinatanggi ang katotohanan na hindi tunay na itinutuon ang napakalaking pondo sa pagdaragdag ng personel at pagpapataas ng kakayahan sa disaster response, recovery at rehabilitation. 

Dapat ipatigil ni Marcos Jr. ang mga mapaminsalang mga proyekto at gamitin ang pondo para tunay at komprehensibong pagtugon at mitigasyon sa mga sakuna. Dapat ding ituon ang pondo sa mga infrastructure program sa mga proyektong kapaki-pakinabang sa mamamayan, hindi sa mga highway at expressway.

Sa panahong ito ng pagsubok, hinihikayat namin ang sambayanang Pilipino na palakasin ang ating hanay at sama-samang singilin at panagutin ang administrasyon ni Marcos Jr. Sa panahon ng malalang krisis sa kalamidad dahil sa kapabayaan ng gobyerno, nangangailangang magkaisa ang mga Pilipino sa porma ng pagkilos sa mga organisasyon, paglulunsad ng mga protesta. May pangangailangang magbigkis sa mga network o alyansa ang mga mamamayan at komunidad na palagiang biktima ng pinsala ng sakuna. 

Nananawagan din ang Kilusang Mayo Uno sa lahat ng Pilipino na magkaisa upang tahakin ang landas ng tunay na pagbabago kung saan walang buhay ang mawawala dahil sa kapabayaan ng gobyerno.


by