No more delays, free our unionists now!

Nakikiisa ang Kilusang Mayo Uno sa Free Our Unionists Network sa panawagang sa Department of Justice na kagyat na bigyang katarungan ang matagal nang nakakulong na mga manggagawa at unyonista. Ayon sa Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), 29 manggagawa at unyonista ang di-makatarungang nakapiit dahil sa mga gawa-gawa kaso at walang basehang mga paratang.

Ang mga manggagawa at unyonista na di-makatarungang ikinulong ay ang mga tunay na tagapagtanggol ng katarungan at karapatan, na naglilingkod sa sambayanang Pilipino nang may matibay na dedikasyon. Isang malaking kawalan sa kanilang pamilya, unyon, at kapwa mga manggagawa kung patuloy at magtatagal silang magdurusa sa bilangguan.

Binibigyang-diin ng KMU ang pangangailangan ng kolektibong aksyon upang labanan ang mapanupil na patakaran na nagdulot sa pang-aapi at iligal na pag-aresto ng mga unyonista at manggagawang naging bilanggong pulitikal.

Ipinapanawagan din namin ang pagbabasura ng Executive Order 70 at pagbubuwag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Dapat na magkaisa ang mga Pilipino laban sa mga kasangkapan na ginagamit ng estado upang pigilin ang karapatan ng manggagawang Pilipino at pagmukhaing masama o krimen ang unyonismo at aktibismo tulad ng Anti-Terror Law.

Ang patuloy na mga atake sa ilalim ng rehimen ni Marcos at ang kakulangan sa pananagutan para sa mga paglabag sa panahon ng administrasyon ni Duterte ay nagpapakita ng agarang pangangailangan para sa kolektibong pakikibaka ng mga manggagawa upang pangalagaan ang karapatan sa pag-uunyon at itaguyod ang mga karapatan ng manggagawa.


Posted

in

by

Tags: