Nagpapahayag ng simpatya at pakikiramay ang Kilusang Mayo Uno sa pamilya ni Allen Glen Malab, isang construction worker na namatay matapos matabunan ng lupa sa construction site sa Antipolo. Ang KMU ay nananawagan ng hustisya para kay Malab, kasabay ng panawagan sa mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act 11058 o Occupational Safety and Health (OSH) Law para sa lahat ng manggagawa sa Pilipinas.
Noong Abril 1, gumuho ang tone-toneladang lupa sa construction site ng isang ginagawang bahay sa Barangay Sta. Cruz, Antipolo, kung saan nasawi si Malab at 4 naman ang sugatan. Kasalukuyang ipinatigil ng LGU ang konstruksyon habang iniimbestigahan kung mayroong foul play sa kanyang pagkamatay. Isinusulong ng KMU na magkaroon ng independent investigation upang siyasatin ang kalagayan sa paggawa at kung may pananagutan ang kanyang employer.
Sa sumunod na araw, isang construction worker sa Taguig ang natuhog ng bakal sa dibdib matapos madulas sa construction site. Walang anumang safety equipment ang mga construction workers sa naturang site na ito. Noong Abril 3 naman, dalawang manggagawa sa Herma Shipyard Incorporated ang namatay sa pagsabog ng makina sa pabrika sa Mariveles, Bataan.
Sa kasalukuyan, hindi kinikilalang krimen ang paglabag sa OSH Law. Kung kaya’t sinusuportahan din ng KMU ang pagsasabatas ng House Bill 2126 ng Makabayan bloc upang maparusahan at mapanagot ang mga employer at kapitalista na may paglabag sa kaligtasan ng kanilang mga manggagawa.
Naninindigan ang Kilusang Mayo Uno na hindi dapat nakakamatay ang paghahanapbuhay. Panawagan ng KMU sa manggagawa at mamamayang Pilipino – isulong ang ligtas na kalagayan sa paggawa at amyendahan ang OSH Law!