“Dapat kilalanin ng batas na krimen ang paglabag sa occupational safety and health (OSH) standards. Dapat ibigay ang magkatulad na proteksyon, kontraktwal man o regular. Dapat gawing regular ang mga manggagawang kontraktwal. Dapat panagutin ang mga employer sa pagpapabaya.”
Ito ang pahayag ni KMU secretary general Jerome Adonis sa panibagong paglabag sa mga pamantayan ng kaligtasan at kalusugan sa paggawa (OSH) sa kaso ni Isidro Rosell, 62-anyos na manggagawa sa ProFood Manufacturing sa Mandaue City, Cebu.
Halos isang buwan na mula nang malaglag si Isidro Rosell noong Pebrero 20 sa isang wheeler truck habang nagbababa ng mga bao sa loob ng kanilang pagawaan. Lumitaw sa kanyang CT Scan na siya ay nagtamo ng blood clot mula sa insidente.
Bagaman binayaran ng ProFood ang CT Scan, tinakasan na nila ang pananagutan mula kay Isidro at sa kanyang pamilya mula nang i-rekomenda ng doktor na lumipat siya ng ospital.
Kahit pa 18 taon nang nagtatrabaho si Isidro para sa ProFood, tinanggihan nilang magbigay ng tulong kay Isidro dahil isa siyang kontraktwal na manggagawa. Hindi rin sinipot ng management ang kanyang pamilya na lumapit sa kanilang opisina para sa tulong. Dagdag pa rito, binubusalan din ng management ang mga kapwa manggagawa ni Isidro upang hindi malaman ng publiko ang nangyari.
Nananawagan ang Kilusang Mayo Uno sa lahat ng mga manggagawa at mamamayan na lalong paingayin ang naganap na insidente, kundenahin ang ProFood sa pagpapabaya kay Isidro Rosell, at patuloy na lumaban para sa karapatan at kaligtasan ng lahat ng manggagawa.