Bungad sa manggagawa at mamamayan sa taong 2024 ang pahayag na “hindi muna madaragdagan ang sahod ngayong taon” – sahod na una pa lamang ay kakarampot at di na nakasasapat, at ang pakanang Charter Change ng rehimeng US-Marcos upang diumano palaguin ang ekonomya.
Sa gitna ng napakalubhang krisis sa kabuhayan na dinaranas ng mamamayang Pilipino, ipinapanguna ng rehimen ang pagbubuyangyang ng likas-yaman, lakas-paggawa, mga batayang serbisyo at ang buong bayan sa pandarambong ng dayuhan at malalaking negosyo.
Ginagawa ito upang ampatan ang pandaigdigang krisis ng malalaking bansang makapangyarihan. Nais nilang ipasa ang pinagdaraanang krisis sa mismong mga bayan nila sa mga malakolonya gaya ng Pilipinas at sairin pa ang mga rekurso dito.
Ginagamit rin ito ng rehimeng Marcos upang ganap na isantabi ang mga karibal sa pulitika at kapangyarihan na mga Duterte matapos maging lantad ang pagkabuwag ng kanilang mabuway na alyansa. Nagkukumahog ang dalawang pangkatin kung sino ang hahawak ng estado poder.
Layunin ng praymer na ito na bigyang-linaw ang mga usapin sa sahod, mga argumento laban dito, ang nagpapatuloy at matingkad na katwiran ng nakabubuhay na sahod. Iuugnay rin nito ang mga usapin sa kabuhayan ng manggagawa sa pakanang Charter Change. Inaasahang magamit ito sa mga talakayang masa.
Bukas ang EILER at KMU sa mga komento, mungkahi at pagpapaunlad mula sa mga isasagawang talakayan. Ipadala lamang ang mga ito sa [email protected]