Nakikiisa ang Kilusang Mayo Uno sa makatarungang laban ng mga manggagawa ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU-NAFLU-KMU) para sa kasiguruhan sa trabaho at laban sa tanggalan.
Taong 2023, 8 manggagawa ang tinanggal. Nitong Abril naman, 54 ang pinatawan ng “temporary layoff” ng management, at sa Oktubre ay maaari pa itong madadagdagan ng 72 na manggagawa.
Ganito ang malagim na kalagayan ng mga manggagawang nagtatrabaho sa mga kumpanyang nakaasa sa dayuhang kapital o foreign direct investments.
Sa layunin ng Nexperia at ng mga katulad nitong multinasyunal na korporasyon na magkamal ng dambuhalang tubo, nililipat nito ang ilang bahagi ng produksyon sa mga bayang mas mura ang gastos. Samantala ang mga manggagawang maiiwan, tulad ng nasa Sensors department ng Nexperia Philippines, ay nawawalan ng kabuhayan. Nagiging “collateral damage” ang mga manggagawa sa paligsahan ng mga imperyalistang bayan sa pandaigdigang pamilihan.
Sa pagratsada ni Marcos sa Charter Change upang buksan nang buo ang mga lokal na industriya sa dayuhang pamumuhunan, at sa pagpasok niya sa mga tagibang na kasunduan sa ekonomiya tulad ng Trade and Investment Framework Agreement sa Estados Unidos, tiyak na dadami pa ang manggagawang mahuhulog sa ganitong kaayusan.
Dadami ang magiging “collateral” sa banggaan ng US at Tsina. Dadami ang maiipit sa trabahong walang katiyakan. Dadami ang mawawalan ng kabuhayan. Dadami ang masasadlak sa mas matinding gutom at kahirapan.
At habang walang ekonomyang nakasandig sa sarili, mananatiling walang katiyakan ang mga manggagawa sa ating bayan.
Kaya nananawagan ang Kilusang Mayo Uno sa mga manggagawa sa buong bayan na pagtibayin ang pagkakaisa upang labanan ang mga makadayuhan at kontra-manggagawang polisiya na nagsasadlak sa milyun-milyong manggagawa sa trabahong walang katiyakan at sa kahirapan! Magkaisa para ipaglaban ang katiyakan sa kabuhayan!
Sa management ng Nexperia, kagyat na i-reinstate ang 8 manggagawang tinanggal, i-recall ang 54 na nilay-off, at huwag ituloy ang tanggalan!
Pangunahan natin ang paglaban tungo sa pagtatayo at paglinang ng lokal at pambansang industriyang magbibigay ng regular at kalidad na trabaho sa manggagawang Pilipino!