Mariing tinututulan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang panukalang pagtaas ng pasahe sa LRT-1 na tinatayang aabot ng P15 kada biyahe. Panibagong dagok na naman ito para sa mga manggagawa at mamayang Pilipino, lalo na sa mga manggagawang arawan ang sahod na umaasa sa pampublikong transportasyon.
Sa halip na gawing abot-kaya at epektibo ang mga pampublikong serbisyo, tuloy-tuloy lamang ang pribatisasyon ng transportasyon sa ilalim ng pamamalakad ng LMRC. Sa ilalim ng 2014 Concession Agreement, malayang makakapagtaas ng pamasahe ang LMRC hanggang 10.25% kada dalawang taon kahit walang malinaw na paliwanag sa gobyerno at sa publiko.
Ang pagtataas ng pamasahe, katulad ng dagdag-singilin sa SSS at pagsirit ng presyo ng batayang pangangailangan, ay magdadagdag lamang sa pasanin ng mga manggagawang Pilipino. Samantalang walang pag-usad sa pinapaglaban ng manggagawang P1,200 arawang minimum na sahod bukod sa baryang dagdag sahod sa iba’t ibang rehiyon.
Naninindigan ang KMU na dapat itigil ang panukalang dagdag-pasahe at bigyang-prioridad ang pagtaas ng sahod at pagpapabuti ng serbisyong pampubliko.
Nananawagan din ang KMU sa lahat ng manggagawa at mamamayan na magkaisa at labanan ang mga patakarang nagpapahirap sa ating kabuhayan. Sa harap ng patuloy na krisis, lalong kailangan nating ipaglaban ang ating karapatan sa disenteng sahod, abot-kayang serbisyo, at mas makataong pamumuhay.