Matapos ang strike voting nitong Hulyo 29 at 30, mapagpasyang tinakdaan ng mga manggagawa ng Nexperia ang kanilang welga. Pinili ng mga manggagawa, sa isang overwhelming majority, na tanganan ang sandata ng welga upang labanan ang garapalang tanggalan at ipagtanggol ang katiyakan sa trabaho.
Malugod na bumabati at nagpupugay ang Kilusang Mayo Uno at ang kasapian nito sa buong kapuluan sa magigiting na manggagawa ng Nexperia. Ang pagpapasyang ito ay pagpapasya para sa buong uring manggagawa.
Sa gitna ng pag-abante ng teknolohiya at sa konteksto ng automation at digitalization, malinaw na maninindigan ang manggagawa.
Malinaw na tinatakwil ng manggagawa ng Nexperia ang palusot ng kapitalista na automation ang dahilan ng pagtatanggal ng manggagawa. Ang teknolohiya na manggagawa ang bumuo at nagpaunlad ay dapat pagsilbihan sa pakinabang ng mamamayan, hindi dahilan para tanggalan sila ng kabuhayan. Hindi teknolohiya, kundi pagkaganid ng mga malalaking kapitalista ang kumikitil sa kabuhayan at nagdadala ng pagdurusa sa mga manggagawa.
Ipinakikita ng paninindigan ng mga manggagawa na Nexperia na di magagapi ang diwa ng uring manggagawa. Ang pagtangan na ito sa mas mataas na antas ng sama-samang pagkilos ay inspirasyon para sa lahat ng manggagawa na tahakin ang landas ng tunay, militante at anti-imperyalistang unyonismo at pakikibaka para tunay na pagbabagong panlipunan.
Aasahan ang hirap at sakripisyo sa gitna ng gitgitang labanan na ito. Napakahalaga ng malakas at mahigpit na pakikipagkaisa ng mga unyon, manggagawa at iba pang mga sektor ng mamamayan upang matiyak na maituluy-tuloy ang welga hanggang sa pagpapanalo nito.
YES TO STRIKE! ANG WELGA AY SANDATA! ANG WELGA AY MAKATARUNGAN!
MANGGAGAWA, MANINDIGAN KASAMA NG NEXPERIA WORKERS! MANINDIGAN PARA SAHOD, TRABAHO AT KARAPATAN!
SUPORTAHAN ANG WELGA!