Available in English
Nanawagan ng independyente at patas na imbestigasyon ang sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU) ukol sa naganap na landslide sa Maco, Davao de Oro kung saan 11 katao ang namatay, at halos 100 pa ang nagtamo ng mga pinsala.
Idiniin ng KMU na karamihan sa mga kaswalti ay mga manggagawa ng Apex Mining Corporation na nagpapagana ng open-pit na minahan na kumukuha ng ginto sa erya. Anang grupo, kailangang maglunsad ng masinsing imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan ng Apex sa nangyaring sakuna. Dagdag pa nito, ang kaligtasan at kalusugan sa trabaho ay dapat pangunahing prayoridad ng lahat ng employer sa anumang industriya.
“Kailangang malaman ng mamamayan kung ano eksakto ang kinalaman nitong mapanirang mga mina na nagdudulot ng malubhang epekto sa buhay, kaligtasan at kabuhayan ng ating mga kababayan. Kailangang tanungin: paano pinangangalagaan ng kumpanya ang manggagawa papasok, habang at pauwi mula sa trabaho?” ani KMU secretary general Jerome Adonis.
“Dapat bulatlatin rin ang mga patakaran ng gobyerno na nagpapahintulot sa mga ganitong tipo ng mining operations. Mahaba na ang rekord ng mga kaparehong insidente pero walang napapanagot, laging dehado ang ating mga kababayang manggagawa sa minahan, at mga mamamayan sa komunidad.” dagdag niya.
Nanawagan ang KMU ng agarang magpahatid ng hakbang suporta ang sa gobyerno at Apex Mining sa mga pamilya ng mga namatay, at sa ibang nasaktan sa insidente. Pinanawagan niya rin na agarang pagpapasa ng amyenda sa Occupational Safety and Health Law para gawing krimen ang mga paglabag sa mga pamantayan sa OSH na nagdadala sa mga manggagawa sa kapahamakan.
“Bare minimum po ang suporta na ito. Sana naman po ay maibigay ito nang maayos at mabilis sa mga nabiktima. Unang hakbang ito sa hustisya na ipaglalaban nating makamit ng lahat.”
Binuweltahan rin ng KMU ang malalaking korporasyon sa pagmimina, na pinahihintulutan ng gobyerno, bilang mga pangunahing salarin ng pagkasira ng kalikasan na lubhang nakasasama sa mamamayan sa kanayunan. Habang nanawagan itong itigil ang open-pit mining, iginiit rin ng KMU na dapat lumikha ng mga trabaho na mas ligtas para sa manggagawa at kalikasan, at tunay na nagsisilbi para sa ekonomya ng bayan. ##