Buong lakas na sinusuportahan ng Kilusang Mayo Uno ang laban ng mga manggagawa ng University Hotel Workers Union-KMU-NCR (UHWU). Kasalukuyang ginigipit ng management ang mga manggagawa ng University Hotel sa Diliman, Quezon City.
Hindi tinupad ng management ang Collective Bargaining Agreement na pinagkaisahan ng dalawang panig. Pinagkait sa mga manggagawa ang kanilang mga leave credentials, clothing allowance, at due process sa suspensyon.
Mula pa noong pandemya, mayroon nang mahabang rekord ang University Hotel Management sa paglabag sa karapatan ng mga manggagawa. Tiniis ng mga manggagawa ang pagtatrabaho sa kabila ng napakalaking bawas sa kanilang sahod at oras sa trabaho. Dagdag pa, hindi kinilala ng management na kumakatawan ng kanilang mga empleyado ang grievance committee ng UHWU.
Sa ganitong pakikitungo ng management, tahasan nilang hindi kinikilala ang unyon ng kanilang mga empleyado. Alinsunod na rin dito ang pamamaliit ng kanilang mga karapatan, kahit pa may napagkaisahan na sa kanilang Collective Bargaining Agreement.
Nararapat lamang na hindi maliitin ang boses ng mga manggagawa sa University Hotel. Kung kaya’t kailangang palakasin ang laban, paigtingin ang pagkakaisa ng mga manggagawa ng University Hotel, at mapagpasyang lumaban para sa pagkilala ng management sa kanilang unyon at tagumpay ng kanilang Collective Bargaining Agreement.
Hinihikayat din ng Kilusang Mayo Uno ang mga manggagawa at sambayanang Pilipino na suportahan ang laban ng mga manggagawa sa University Hotel at iba pang mga unyon. Sama-sama nating isulong at ipaglaban ng mga manggagawang Pilipino ang nakabubuhay na sahod, regular na trabaho, at karapatang mag-unyon at mapakinggan ito.