Kaisa ang Kilusang Mayo Uno sa laban ng mga manggagawa ng Unyon ng Manggagawa sa Harbour Centre (UMHC). Nitong nakaraang ika-18 ng Hunyo, nag-piket ang UMHC sa National Labor Relations Commission upang irehistro ang panawagan nila na tuparin ng kumpanya ang desisyon ng Korte Suprema na paburan ang pagbabalik sa mga manggagawang iligal na tinanggal.
Noong ika-6 ng Enero 2020, 370 na manggagawa ang iligal na tinanggal sa Harbour Center Port Terminal Inc. (HCPTI) nang dahil lang sa panawagan nilang mai-regular at ibigay ang karampatang back pay nila. Hindi sinunod ng kumpanya ang pabor ng DOLE at Korte Suprema dito.
Nagbunga ito sa mga serye ng pagkilos nang ipinapanawagan ang kanilang regularisasyon at money claims. Noong Nobyembre 2022, nagsagawa sila ng protesta sa gate ng Manila Harbour Center. Nagkasa muli sila ng protesta sa harap ng DOLE noong Setyembre 2021 at Hulyo 2022.
Dahil dito, kasama ng UMHC ang Kilusang Mayo Uno sa pagkondena sa mga paglabag ng HCPTI sa karapatan ng mga manggagawa. Hindi katanggap-tanggap ang iligal na pagtanggal sa mga manggagawa sa pier, pandarahas sa mga kilos-protesta, at hindi pagpatupad ng mga desisyon ng DOLE at Korte Suprema.
Dapat na kilalanin ng HCPTI ang unyon ng mga manggagawa ng pier at pakinggan ang kanilang mga hinaing. Nararapat lang na kilalanin ang unyon at mga kilos-protesta na nilunsad nito. Iginigiit namin na ipatupad ng HCPTI ang pagpapatupad ng desisyon ng DOLE at Korte Suprema na ibalik ang mga manggagawa ng pier at ibigay sa kanila ang kanilang back pay.
Sa kabila ng mga intimidasyon at harassment mula sa HCPTI, hindi nagpatinag ang mga manggagawa ng pier. Nararapat lamang na hindi mawalan ng pag-asa ang mga manggagawa ng pier sa kanilang laban. Nananawagan kami sa mga manggagawa ng pier na tindigan lalo ang ating hanay at higpitan ang ating kapit sa pag-asa para sa sahod, trabaho, at karapatan.
Ang ilang serye ng kanilang pagkilos ay isang simbolismo ng militanteng pakikibaka nila laban sa mapanikil na kontraktwalisasyon at pang-aabuso sa karapatan sa paggawa. Nananawagan kami sa mga manggagawa sa buong bansa na suportahan ang laban ng mga manggagawa ng pier at gamitin ang kanilang pakikibaka bilang inspirasyon upang gamitin ang sandata ng welga at patuloy na labanan ang anumang porma ng pananamantala sa atin na mga manggagawa.