Hustisya para kay Jude Fernandez!

Available in English

Bandang alas-kwatro ng hapon noong Setyembre 29, 2023, pinasok ng mga elemento ng CIDG ang inuupahang bahay ng organisador ng mga manggagawa na si Jude Fernandez sa Brgy. Macamot, Binangonan, Rizal. Bitbit nila ang isang warrant of arrest para sa isang indibidwal na nagngangalang Oscar Dizon. Ayon sa pulisya, “nanlaban” umano ang biktima, kaya napilitan silang gumanti ng pamamaril. Batay sa mga ulat at mga paunang imbestigasyon, nakarinig ang mga kalapit na residente ng dalawang putok ng baril at kinumpirma nilang walang senyales ng anumang kaguluhan. Samakatuwid, ang impormasyong ito ay nagpapatunay na ang operasyon ng CIDG ay malinaw na kaso ng ekstrahudisyal na pagpaslang (extrajudicial killing o EJK).  

Sino si Jude Fernandez?

Si Jude Fernandez ay isang beteranong organisador ng mga manggagawa mula sa Kilusang Mayo Uno. Nagtapos siya sa University of the Philippines Los Baños at nagsimulang kumilos noong panahon ng diktadura ni Marcos Sr. Sa loob ng ilang dekada, si Jude ay aktibong nangampanya at lumaban para sa mga karapatan, kagalingan, at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino at mamamayan.

Bakit pinapatay ang mga manggagawa’t unyonista?

Ang pagpatay kay Fernandez ay ang ika-72 na kaso ng ekstrahudisyal na pagpaslang sa mga manggagawa’t unyonista mula 2016. Ito ang ika-apat na kaso matapos ang ILO High Level Tripartite Mission (ILO HLTM) na ginanap nitong Enero 2023. Patunay ang kasong ito sa marahas na tugon ng pamahalaan ni Marcos Jr. sa mga kampanyang pang-ekonomya at pampulitikang karapatan ng mamamayan. Sa loob ng pitong magkakasunod na taon, itinuturing ng International Trade Union Confederation (ITUC) ang Pilipinas bilang isa sa mga pinakamapanganib na bansa para sa mga manggagawa.

Sinusupil ang mga unyonista, aktibista, organisador, at ang karaniwang mamamayan para pahinain ang lumalakas na kampanya para sa makabuluhang dagdag-sahod, family living wage, national minimum wage, pagbasura sa kontraktwalisasyon, at kalayaan sa pag-uunyon at pag-oorganisa.

ANG ATING MGA PANAWAGAN:

Sa Opisina ng Pangulo ng bansa:

1. Atasan ang Department of Labor and Employment na magsagawa ng kanilang mga imbestigasyon, interbensyon, at mga angkop na aksyon sa pagpatay kay Fernandez at sa iba’t ibang mga kaso ng paglabag tulad ng mga pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso, ilegal na pag-aresto, sapilitang pagkawala, intimidasyon, at harasment.

2. Kagyat na ipatupad ang mga rekomendasyon ng ILO High Level Tripartite Mission at ng labor groups. Rebisahin ang Executive Order 23 upang maisama ang representasyon ng mga manggagawa at employers sa Inter-Agency Committee for the Protection of the Freedom of Association and Right to Organize of Workers.

3. Pigilan ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa paggamit ng buong saklaw na kapangyarihan laban sa mga manggagawa na kadalasang nauuwi sa mga arbitraryong pagpatay sa kanilang operasyon. Atasan sila na sundin nang buong buo ang mga Guidelines na itinakda ng Korte Suprema sa pagpapatupad ng mga warrant, kabilang na ang mga Rules on the Use of Body-Worn Cameras (A.M. No. 21-06-8-SC) sa kanilang mga operasyon.

Sa Kongreso at Senado:

4. Magsagawa ng Kongresyonal na Pagdinig tungkol sa mas lumalalang klima ng karahasan laban sa mga unyonista, aktibista, at mga tagapagtanggol ng karapatang pantao. Magpasa ng mga batas na magpoprotekta sa karapatan ng mamamayan sa buhay at kalayaan, alinsunod sa tamang proseso ng batas.

Sa United Nations (UN) at International Labor Organization (ILO):

5. Magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa papalalang sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas, ayon sa mga naiulat na pagtaas ng bilang ng mga extrajudicial killing, tortyur, pandurukot, sapilitang pagkawala, at ilegal na pag-aresto at pagkulong.

6. Para sa UN Office of the Commission on Human Rights, magpadala ng Special Rapporteur sa extrajudicial killings o summary executions sa Pilipinas.

7. Para sa ILO, isailalim ang gobyerno ng Pilipinas sa regular na pagsusuri ng kanilang pangako sa Labor Convention 87. Itulak sa gobyerno ng Pilipinas ang pagsasakatuparan ng mga rekomendasyon ng 2023 HLTM.

Sa Commission on Human Rights:

8. Magsagawa ng independyenteng imbestigasyon ukol sa pagpatay kay Jude Fernandez. Maglabas ng komprehensibong ulat at pagsusuri sa mga kaso ng extrajudicial killings at iba pang malulubhang paglabag sa karapatang pantao, at magrekomenda ng mga hakbang para sa aksyon ng ehekutibo.

ANG ATING MAAARING GAWIN:

1. Ang mga unyon, pederasyon, pang-masang organisasyon, institusyon, mga indibidwal na personalidad, at iba’t ibang grupo ay hinihikayat na maglabas ng pahayag ng pagkokondena sa brutal na pagpatay kay Fernandez at manawagan para sa agarang pagkamit ng katarungan.

2. Makilahok sa kampanya para pigilan ang lahat ng porma ng karahasan laban sa mga manggagawa at mamamayan. Ang ating panawagan: “Itigil ang mga pagpaslang! Itigil ang mga atake laban sa kalayaan sa pag-uunyon at pag-oorganisa! Ipaglaban ang ating mga karapatan sa pag-oorganisa!”

3. Mag-donate sa pondo para sa legal funds ng kaso ni Jude Fernandez, at sa mga kampanya para sa proteksyon ng mga karapatang mag-unyon at karapatang pantao.

Bank Name: EASTWEST BANK
Account Name: Kilusang Mayo Uno (KMU)
Account Number: 200056974139
SWIFT CODE: EWBCPHMMXXX

GCash:
Maria Elena P
09519251037

4. Pasiglahin ang laban sa pang-ekonomya at iba pang demokratikong kahingian ng mamamayan. Biguin ang mga atake at buong-tapang na isulong ang ating lehitimong laban para sa dagdag-sahod, national minimum wage, regular na trabaho, kalayaan sa pag-uunyon, pagkain sa mesa, at iba pang batayang karapatan.


Posted

in

, ,

by