Hinggil sa June 2024 Labor Force Survey: Mababang kalidad ng trabaho, salat na sahod

Mababang kalidad, temporary at short-term na trabaho. Sahod na salat at malaalipin. Ito ang tunay na larawan na makikita sa datos mula sa Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa buwan ng Hunyo 2024.

Bumaba patungong 3.1% o 1.62 milyong indibidwal ang unemployed, samantalang lumobo naman ang underemployed na mga indibidwal tungong 6.08 milyon, o 12.1% ng lahat ng may trabaho.

Pihadong ipapamandila ng gobyernong Marcos Jr. ang pagbaba ng unemployment rate, pero mailalantad ang totoo kung titingnan ito ng mas malalim.

Una, mababa ang kalidad at temporary ang trabahong nililikha ng gobyernong Marcos Jr. Number one sa mga nalikhang trabaho ay sa konstruksyon, sa wholesale at retail trade, at sa food service. Kapansin-pansin ang tapyas sa mga trabaho sa agrikultura.

Bagamat sinasabi na tumaas ang bilang ng manggagawa sa manufacturing, ang malawakan at nagpapatuloy na tanggalan sa sektor ng electronics at garments ay may mahaba at malalim na epekto sa kabuuan.

Ikalawa, salat na sahod ang tinatanggap ng manggagawa. Ang tuluy-tuloy na pagtaas ng underemployment rate ay nagpapatingkad sa pagbaba ng tunay na halaga ng sahod, habang barya-barya at pakitang-tao ang mga minimum wage hike mula sa regional wage boards.

Nangangahulugan ang underemployment rate ng bilang ng mga manggagawa na naghahangad ng dagdag na oras ng trabaho, o dagdag na trabaho, o trabahong mas mahaba ang oras ng trabaho.

Patunay rin ito na nakaasa ang ating ekonomya sa foreign investment kung saan tayo ang laging lugi. Laging nakatali sa galaw ng merkado sa mga dayuhang bayan, laging inilalagay sa peligro ang trabaho ng manggagawang Pilipino.

Ang dapat gawin ng gobyerno: ipatupad ang isang pambansang minimum na sahod sa nakabubuhay na antas. P1200 kung sa kasalukuyan. Dapat rin itong magbalangkas ng isang tunay na programa sa paglikha ng regular na trabaho na pangmatagalan at nakaayon sa mga adhikain ng pambansang kaunlaran.

Dapat igiit ang mga ito ng mga manggagawa sa pamamagitan ng paglaban sa iba’t ibang larangan – pagtatayo ng kanilang unyon, pakikipagdiyalogo, at malawakang mga protesta para maisulong ang mga panawagan. Dapat isulong ng uring manggagawa ang pundamental na mga pagbabago – tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang salalayan ng isang lipunang kumakalinga sa kanyang mamamayan.


Posted

in

by