Mariing kinukundena ng Kilusang Mayo Uno ang lantarang union busting ng Nexperia Philippines sa pamamagitan ng iligal na pagtatanggal sa mga union officers nito. Ipinapanawagan namin ang agarang pagbabalik sa trabaho nina Union President Mary Ann Castillo, Vice President Antonio Fajardo, Public Information Officer Girlie Batad, at Shop Steward Marvel Marquez.
Ang iligal na pagtatanggal na ito ay malinaw na hakbang ng management upang pahinain at buwagin ang unyon ng mga manggagawa. Hindi katanggap-tanggap na ginagamit ng Nexperia ang ganitong taktika upang supilin ang karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa at makipag-negosasyon para sa makatarungang CBA.
Kamakailan lamang ay iligal ding tinanggal si Paperland Union President Renato Ayroso sa pamamagitan ng mga gawa-gawang kaso ng insubordination. Matagal nang pinag-iinitan si Ayroso dahil sa kanyang paglaban para sa CBA, OSH inspeksyon at iba pang karapatan ng mga manggagawa.
Kinukundena rin namin ang kawalan ng aksyon ng DOLE sa mga lantarang paglabag na ito sa karapatan ng mga manggagawa. Ang kanilang pananahimik ay nagbibigay-daan lamang sa mga kapitalista na lalong mang-api ng mga manggagawa.
Nananatiling sunud-sunuran lang si Bongbong Marcos sa mga kapitalista kung kaya’t pinapayagan niya lamang ang mga union busting at mga tanggalan sa hanay ng mga manggagawa. Hindi ito ang una at hindi ito magiging huli. Kung kaya’t nananawagan ang KMU sa lahat ng mga manggagawa sa buong bansa at magkaisa at lumahok sa mga protesta laban sa mga gahamang mga kapitalista upang ipagtanggol ang ating mga unyon at labanan ang mga tanggalan.
Kung hindi tayo kikilos ngayon, patuloy na gagamitin ng mga kapitalista ang mga ganitong taktika para pigilan ang ating karapatan na mag-unyon at makipag-collective bargaining. Hindi tayo papayag na patuloy na yurakan ang ating mga karapatan!
Manggagawa, magkaisa! Ipaglaban ang dagdag na sahod at kaseguruhan sa trabaho! Labanan ang union busting! Ipagtanggol ang karapatan!