Sa ating mga ka-manggagawa at kababayan,
Sa ngalan ng libu-libong kasapian at pamunuan ng Kilusang Mayo Uno, nais kong ipahayag ang aking taus-pusong pagbati at pakikiisa sa pagdiriwang at paggunita natin sa Araw ng Pasko.
Apaw na naman ang mga terminal ng bus at siksikan sa expressway dahil sa pag-uwi ng ating mga kababayan sa probinsya. Para sa maraming manggagawang nakikipagsapalaran sa Kamaynilaan, panahon ito upang magrelax saglit at makasama ang pamilya. Sana lang ay mas maayos ang sistema ng transportasyon para di hassle ang Christmas hustle.
Panahon din ng reunion ng mga magkaklase, catch-up ng mga magkababayan at kaibigan. Panahon upang magsalu-salo sa biyaya ng taon. Habang ang ilan sa atin ay mayroong maraming handa sa hapagkainan, at ang iba nama’y simple lang; marahil, meron pang hindi makakapag-Noche Buena. Anuman ang Christmas handa, alalahanin nating lahat na deserve natin ang dagdag-sahod at makabuluhang benepisyo all year long. Dapat ang trabaho’y regular at respetado ang ating karapatan sa unyon.
Sa panahon ding ito, nasa ating puso at isip ang mga kababayan nating security guard, fastfood workers, taxi driver at jeepney driver, delivery rider, mga doktor at nars, at iba pang working round the clock. Silang mga tuloy sa trabaho para masegurong happy ang holidays natin.
Alala rin natin ngayong gabi ang ating mga kapatid sa Palestine na patuloy na binobomba ng makapangyarihang mga bansa. Sa bayang sinilangan ni Hesus, pagdurusa ang hatid ng makabagong Imperyo sa panahon ng Kapaskuhan.
Alala rin natin ang ating mga kapatid na magsasaka at katutubo na palagiang peligroso ang kalagayan dahil sa pagtanggi ng gobyerno sa tigil-putukan sa mga armadong rebolusyonaryo sa kanayunan.
Makatarungan at pangmatagalang kapayapaan ang nais natin. Kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan. Kung saan may lupa ang magsasaka. Kabuhayan – trabahong regular at nakabubuhay na sahod sa manggagawa. Libre at dekalidad na edukasyon sa kabataan. Tunay na demokrasya at pambansang kalayaan para sa mamamayan.
Wishlist natin ngayong Pasko at Bagong Taon: Resume Peace Talks! Itigil na ang utak-pulbura at adik-sa-gerang paraan ng armadong pwersa ng gobyerno at NTF-Elcac. Itigil ang red-tagging, iligal na aresto, sapilitang pagwala at pagpaslang. Palayain ang mga bilanggong pulitikal!
Ipatupad ang mga repormang kinakailangan para sa pagpupundar ng ekonomiyang sa atin at nagsisilbi sa atin, tunay na gobyerno ng mamamayan na walang korapsyon at mabilis ang aksyon at bayang malaya sa dikta ng dayuhan.
Bilang pagwawakas at paggunita sa kabuluhan ng kapanganakan ni Kristo, nais ko ipaabot ang isang inspirasyonal na panawagan. Panawagan ng pagmamahal, sakripisyo, at paglaban para sa kapwa. Be like Christ, SERVE THE PEOPLE! Tulad ni Hesus, mangahas nating pangibabawan ang mga hamon upang buong-lakas na paglingkuran ang sambayanan.
Maligayang Pasko at nawa’y magkaroon tayo ng Masagana at Mapayapang Bagong Taon!
Elmer “Ka Bong” Labog
Tagapangulo, Kilusang Mayo Uno
#MANGAHAS