Bagong taon, bagong dagdag-bayarin

Sa pagpasok ng bagong taon, sumalubong sa manggagawa at mamamayang Pilipino ang dagdag-kontribusyon sa SSS, pagtaas ng presyo ng langis at pamasahe sa LRT, at pagsirit ng presyo ng bilihin. Dahil nananatiling nakapako ang sahod ng manggagawa, lalong tumitingkad ang panawagang itaas ang sahod sa antas ng P1,200 family living wage.

Ang pagtaas ng kontribusyon sa SSS ay lalo pang magpapaliit ng take-home pay para sa mga manggagawa. Bagama’t sinasabing ito ay magdudulot ng mas malaking pondo para sa provident fund, hindi nito direktang tinutugunan ang agarang pangangailangan ng mga manggagawa sa kasalukuyan.

Dagdag pa, ang malawakang pagtaas ng presyo ng langis ay magdudulot ng mas mataas na gastos sa transportasyon at produksyon, na siyang magpapataas na naman ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Komyuter din ang papasan ng dagdag-pasahe sa LRT, na idinudulot ng pribadong operasyon sa pampublikong transportasyon.

Kahit pa sinasabi ng Bangko Sentral na pasok sa target nito ang kasalukuyang inflation rate ay nagpapabigat pa rin ito sa patong-patong na singilin. Ang mga ganitong datos ay hindi dapat gawing dahilan para maging kampante ang gobyerno. Sa halip, dapat itong maging batayan upang magkaroon ng agarang aksyon para sa dagdag-sahod at pagpababa ng presyo ng mga bilihin.

Ngayong bagong taon, bagong-lakas na ipinapanawagan ng Kilusang Mayo Uno sa manggagawa at mamamayan na magkaisa at lumaban para sa sapat, disente, at nakabubuhay na sahod. Tutulan ang dagdag-singilin at pagsirit ng bilihin na lalong nagpapabigat sa pasanin ng mamamayan. Tanging sa sama-samang pagkilos at paglaban lamang natin makakamit ang tunay na pagbabago at kaginhawaan para sa lahat.  

Manggagawa, magkaisa! Ipaglaban ang dagdag-sahod at karapatan sa makataong pamumuhay!