Nobyembre noong nakaraang taon ay nagdeadlock ang collective bargaining agreement sa pagitan ng Nexperia Philippines Inc Workers Union – NAFLU – KMU (NPIWU-NAFLU-KMU) at management ng Nexperia Phils Inc dahil sa pambabarat ng management – Php 17 ang inaalok sa inihahapag ng unyon na Php 50.
Enero ng taong 2024 sinimulan ang negosasyon sa CBA. Kasabay nito ang pagsisimula at pagtatagumpay ng laban hinggil sa pagtanggal sa humigit kumulang 600 na manggagawa, kung saan naibigay ang mas mataas na separation package at pagiging priority hire ng mga tinanggal o kanilang next of kin.
Mula dito, tuloy-tuloy na ipinaglaban ng mga manggagawa, sa pamamandila ng unyon, ang Php 50 taas sahod kada araw at dagdag sa signing bonus at iba pang benepisyo. Nagsagawa ang unyon ng tuloy-tuloy at iba’t ibang porma ng pagkilos upang ipaglaban ang makabuluhang dagdag sa sahod.
Ngunit Php 17 lang ang inaalok ng gahaman na management ng Nexperia, na kung sasang-ayunan ng unyon ay makakaapekto pati na rin sa mga benepisyong tinatamasa ng mga manggagawa. Hindi sangayon ang unyon sa nakakainsultong alok ng Nexperia, at patuloy nitong iginiit ang nararapat na halaga. Dahil sa pambabarat ng kapitalistang Nexperia, nagkaroon ng deadlock.
Mas masahol pa, tinanggal ang 4 na pamunuan ng unyon kasama si Pangulong Ann Castillo, Antonio Fajardo (pangalawang pangulo), Girlie Batad (BOD) at Marvel Marquez (Shop Steward) dahil sa mga gawa-gawang kaso noong Disyembre.