Mariing kinukundena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang matinding pandarahas ng mga pribadong goons ng tambalang Ayala at Aguinaldo sa mga magsasaka ng Lupang Tartaria kaninang 2:00 ng madaling araw.
Marahas na pinasok ng mga armadong goons mula sa Jarton Security Agency ang kampuhan ng mamamayan ng Lupang Tartaria, sinaktan at tinutukan ng baril ang mga residente, kinuha ang kanilang mga kagamitan, at pinigilang bumalik upang kunin ang mga naiwang gamit sa kampuhan. Sinira at sinunog din ang ilang kagamitan ng mga residente, at binakuran din ng mga armadong goons ang kanilang kampuhan.
Ang Brgy. Tartaria ay bahagi ng 200-ektaryang lupa na 6 na dekada nang kinakamkam ng mga Aguinaldo para mailako ito sa mga Ayala upang pagkakitaan sa tabing ng “land development” tulad na lamang ng ginawa nila sa North Triangle.
Sinisingil ng KMU ang Department of Agrarian Reform sa kawalan ng aksyon sa usapin ng pangangamkam ng lupa sa Brgy. Tartaria. Mula nang itindig ng mga magsasaka ang kanilang kampuhan, wala pa ring sinasabi ang departamento hinggil sa isyu sa lupa rito.
Nananawagan naman ang KMU sa LGU ng Brgy. Tartaria at ng Cavite na puntahan ang lugar upang tiyakin ang kaligtasan at karapatan ng mga mamamayan ng Lupang Tartaria. Hinihimok din ng KMU ang Kongreso na kagyat na maglunsad ng imbestigasyon sa nagaganap na pambabakod at pagpapalayas sa mga residente ng Lupang Tartaria.
Nananawagan ang Kilusang Mayo Uno sa lahat ng manggagawa at mamamayan ng Timog Katagalugan na makiisa sa laban ng mga mamamayan ng Brgy. Tartaria at biguin ang malagim na tangka ng mga Ayala at Aguinaldo!