Support statement for Nexperia Philippines Incorporated workers who are currently under threat of mass layoffs
Ang Kilusang Mayo Uno ay nakikiisa sa makatarungang laban ng Nexperia Philippines Incorporated Workers Union-NAFLU-KMU at mga manggagawa ng Nexperia Philippines Incorporated laban sa hindi makatarungang tanggalan na kinakaharap nila mula Setyembre 2023 hanggang sa kasalukuyan.
Noong Setyembre ng 2023, bago pa man pumasok sa Collective Bargaining Agreement o CBA, may una nang tinanggal na 8 manggagawa kung saan 3 ay opisyal ng unyon na hindi pa rin nababalik sa kasalukuyan.
Ngayong nasa proseso ng CBA, balak patawan ng kapitalistang Nexperia ang 53 manggagawa ng “temporary layoff” ngayong Abril at may balak pa itong sundan sa Setyembre ng karagdagang 72 na manggagawa.
Hindi nilinaw ng management kung ano ang dahilan para sa malawakang tanggalan. Pero ang malinaw, hindi kumakaharap sa pagkalugi ang Nexperia dahil sa papataas na produktibidad ng mga manggagawa nito na nagbigay daan para mabili ng kumpanya ang NOWI Company noong nakaraang taon.
Samakatuwid, ang malakihang tanggalan ay ginagawa lamang ng Nexperia upang palakihin ang kanilang tubo sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga manggagawa na makakatamasa ng karagdagang sahod at benepisyo mula sa kasalukuyang CBA at pagpilay sa unyon upang hindi na ito lalong makalaban para sa kagalingan ng mga manggagawa.
Kaisa ang KMU sa panawagang labanan ang hindi makatarungan at malawakang tanggalan, kagyat na ibalik ang mga manggagawang tinanggal sa trabaho, at ipagpatuloy ang makabuluhang Collective Bargaining Agreement!