Makabayan senatoriables, mga lider-masa, dagdag ng PNP sa kasong illegal assembly

Kinukundena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagdaragdag ng humigit-kumulang 13 lider ng mga progresibong organisasyon at partylist, kabilang ang mga senatoriable ng Makabayan Coalition sa mga kinasuhan nito ng illegal assembly kaugnay ng pagkilos noong Araw ni Bonifacio 2024. 

Kabilang sa mga kinasuhan ang Makabayan senatoriable na sina KMU Secretary General Jerome Adonis, Makabayan President Liza Maza, ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, Piston President Mody Floranda, Kadamay Secretary General Mimi Doringo, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Chairperson Danilo Ramos, Pamalakaya Vice Chair Ronnel Arambulo, Sandugo Co-Chair Amirah Lidasan, at Filipino Nurses United Secretary General Alyn Andamo. Kinasuhan rin sina former Bayan Muna Partylist Rep. Ferdie Gaite, Alliance of Concerned Teachers Chair Vladimer Quetua at Alliance of Health Workers Secretary General Cristy Donguines.

Nauna nang kinasuhan kaugnay ng parehong insidente sina KMU Chairperson Elmer “Ka Bong” Labog at Nilo Mortifero, kasapi ng Bayan Muna na iligal ring inaresto ng kapulisan sa araw na iyon.

Malinaw na ito’y panggigipit sa kalayaang magtipon at sa mamamayang nagigiit ng karapatan at kapakanan. Nag-aaksaya ng pondo at oras ang Manila Police District sa pagdidiin sa mga nagpoprotesta. Samantalang malayang nakakalamyerda ang mga tunay na kawatan. 

Inililihis ng pa-circus na ito ang tunay na usapin – ang nagpapatuloy na katiwalian at pagnanakaw ng mga nakaposisyon sa gobyerno habang patuloy na naghihirap at dinarahas ang karaniwang tao. 

Inilunsad ang pagkilos noong Nobyembre 30 upang paalingawngawin ang panawagan para sa nakabubuhay na sahod, mas mababang presyo ng bilihin, regular na trabaho at disenteng kabuhayan. Kumilos ang manggagawa at mamamayan upang maningil at magpanagot kina Duterte at Marcos na lumulustay sa kaban ng bayan. 

Sa paulit-ulit nang karanasan, ang mga pulis na may dalang pamalo at shield at naka-full battle gear ang sanhi ng gulo at karahasan sa mapayapang mga pagkilos.

Nakahanda ang Kilusang Mayo Uno, Bayan, Makabayan at iba pang mga organisasyon na igiit at ipaglaban ang kawastuhan ng pagpoprotesta laban sa inhustisya.

Inihahanda ng aming mga abogado ang ligal na depensa at kontra-reklamo upang tuldukan ang harasment na ito. Hindi nito mapipigilan ang aming komitment at gawain na tindigan ang interes ng manggagawa at bayan. 

Dapat na ring ibasura ang outdated at kontra-mamamayang BP 880 na nagpapakitid at nagpapasikip sa demokratikong espasyo para magpahayag at magprotesta. Ito ay mga karapatan na hindi dapat nililimitahan ng paghingi ng permit.

Patuloy kaming magpoprotesta upang batikusin ang panunupil sa karapatan, at upang ibayong isulong ang kabuhayan ng mamamayan at labanan ang katiwalian at karahasan. Tinatawagan namin ang bawat Pilipino: sa gitna ng panggigipit, lalo tayong mangahas na maggiit at makibaka!