Ipinapaabot ng buong Kilusang Mayo Uno ang pinakamainit na suporta sa mga manggagawa ng Nexperia Philippines, Inc sa kanilang mapagpasyang paglaban para sa kabuhayan, katiyakan sa trabaho at pagrespeto sa mga karapatan ng manggagawa at kanilang unyon.
Nito lamang Hunyo 26, nagsampa ng notice of strike (NOS) ang Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU-NAFLU-KMU). Sa isinampang NOS, inilatag ang mga batayan na unfair labor practices tulad ng dismissal sa mga opisyales ng unyon, temporary layoff ng mga kasapi ng unyon at paglabag sa mga probisyon ng CBA.
Sa panahon ng walang-habas na pananalasa ng mga neoliberal na patakaran, at paghahangad ng supertubo ng mga kapitalista, wasto, makatarungan at kinakailangan ang welga bilang sandata ng manggagawa upang ipaglaban ang nakabubuhay na sahod, tiyak at regular na trabaho at respeto sa karapatang mag-organisa at mag-unyon.
Nagaganap ang tanggalan, layoff at union-busting sa Nexperia sa batayan ng sinasabing cost optimization ng malaking kapitalista upang tipirin ang kanilang mga gastusin sa operasyon upang mapalaki ang kanilang kinakamal na tubo. Paano magbawas ng gastusin? Baratin ang sahod ng manggagawa, magbawas ng mga benepisyo, magtanggal ng manggagawa at magbuwag ng unyon.
Buhay na patunay ang kaso ng Nexperia ng kagarapalan ng mga kapitalista at kawalang-respeto kahit sa mga internasyunal na istandard ng karapatan sa paggawa. Sa panahon ng krisis ng imperyalismo at kapitalismo, sa panahon ng pag-aagawan sa merkado ng malalaking kapitalistang bayan gaya ng US at China, ang collateral damage ay mga manggagawa na tinatanggalan ng kabuhayan. Mistula silang mga laruang basahan na itatapon kapag wala nang silbi sa kapitalista.
Inilalarawan din ng kasong ito ang pagkabangkarote ng foreign direct investment na nais ng ating mga pambansang pinuno na maging salalayan ng ekonomyang Pilipino sa kanilang pakanang Charter Change. Walang maaasahan sa mumong kapital ng mga imperyalistang bayan.
Ang pag-asa para sa nakabubuhay na sahod, tiyak na empleyo at respeto sa karapatan; gayundin sa pangkalahatang disenteng pamumuhay ng manggagawa at mamamayan ay nakabatay sa pundamental na pagbabagong panlipunan na pasisimulan ng tunay na reporma sa lupa at pagtatatag ng mga pambansang industriya.
Nananawagan kami sa mga manggagawa ng Nexperia. Pagtibayin ang pagkakaisa, bigkisin ang ating hanay, hasain ang sandata ng welga upang epektibong makibaka at kamtin ang tagumpay. Balikan natin ang higit 4 na dekadang maningning na kasaysayan ng pagtatanggol sa karapatan at sa unyon. Laban ito ng mga manggagawa ng Nexperia sa kasalukuyan, at sa hinaharap. Sama-samang pakilusin ang buong manggagawa ng Nexperia – unyonisado, di-unyonisado at kontraktwal sa pukpukang labanan.
Nananawagan rin kami sa lahat ng manggagawa at mamamayan sa buong bayan at sa daigdig. Sa ating maigting at mainit sa suporta sa pakikibaka ng manggagawa ng Nexperia, matitiyak natin ang kanilang tagumpay. Ang ganitong pakikibaka at tagumpay ay magsisilbing inspirasyon sa buong bayan sa magiting na paglaban gamit ang sandata ng welga!
Labanan ang tanggalan at layoff! Katiyakan sa trabaho, ipaglaban!
Manggagawa, magwelga! Ipagtanggol ang sahod, trabaho at karapatan!
Labanan ang Charter Change! Isulong ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon!