Sa ika-126 na paggunita ng huwad na kalayaan, patuloy na inaasam at ipinaglalaban ng mga manggagawa at mamamayan ang tunay na kalayaan.
Nag-aasam ang mga manggagawa ng kalayaan mula sa kahirapan. Nakakulong ang mga manggagawa sa mababang estado ng pamumuhay dahil sa napakababang sahod at malawakang kawalan trabahong disente at may katiyakan. Dagdag pa ang walang habas na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa pagkakait sa mga manggagawa ng disenteng pamumuhay.
Nag-aasam ang mga manggagawa ng kalayaan mula sa karahasan. Nagpapatuloy ang atake ng NTF-ELCAC at ng gobyerno sa hanay ng mga manggagawa – tinatakot at dinadahas ang mga manggagawa, binubuwag ang mga unyon, dinadakip at pinapaslang ang mga unyonista, at inuugnay sa insurhensya maging ang mga institusyon na tumutulong sa mga manggagawa. Buong-pwersa na sinusubukang lusawin ang kilusang paggawa upang hindi makalaban ang mga manggagawa para sa kanilang sahod, trabaho, at karapatan.
Nag-aasam ang mga manggagawa ng kalayaan mula sa pananakop. Ang kahirapan na dinadanas ng mga manggagawa at ng mamamayang Pilipino ay tulak mismo ng Estados Unidos upang pagkakitaan ang ating likas na yaman at lakas-paggawa. Ang Estados Unidos din ang nagtutulak ng pandarahas at mas matinding mga atake sa mga manggagawa at mamamayan upang hindi nila maipaglaban ang kanilang mga ekonomikong kahilingan.
Sinasamantala rin ng Estados Unidos ang panghihimasok ng Tsina sa ating karagatan upang mang-upat ng giyera na lalo nitong pagkakitaan. Samantala, ang Tsina, isang umuusbong na imperyalistang bayan, ay walang habas ding dinadambong ang ating likas na yaman sa West Philippine Sea. Kailangan nating kumawala mula sa pananakop ng parehong bayan.
Hindi makakamtan ng Pilipinas ang tunay na kalayaan habang nananatili ang kawing ng Estados Unidos at ang mga imperyalistang bayan sa ating bansa. Upang makamtan ang tunay na kalayaan, kailangang abutin ng manggagawa at mamamayang ang kakayahang itaguyod ang ating sariling ekonomiya at ipagtanggol ang sarili nating soberanya.