Kumusta ang manggagawang Pilipino?
Sadsad sa gutom at kahirapan ang manggagawang Pilipino. ‘Di sumasapat ang ₱645 na minimum wage sa lingguhang pagtaas ng presyo ng bigas at langis. Tapos, nagmahal pa ang singil sa kuryente’t tubig, at ang contribution sa SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG.
Hindi makahabol ang sahod ng mga manggagawa na paligsahan sa pambabarat ang Regional Wage Boards. Masahol pa, walang ginagawa ang gobyernong Marcos habang nilalamon ng mahal na presyo at singil ang kakarampot na sahod ng mga manggagawa.
Bakit mababa ang sahod?
Binabalewala ni Marcos ang panawagan para sa family living wage. Sa halip na magpatupad ng national minimum wage, pinapaubaya sa mga barat na RWB ang wage increase, at dinidiskaril ang pagsasabatas ng makabuluhang dagdag-sahod sa Kongreso.
Pinapalaganap lalo ni Marcos ang kontraktwal at walang kasiguruhang trabaho. Pinapalaki ang bilang ng mga kontraktwal na manggagawa para lumiit ang gastos ng mga kapitalista sa pagpapasahod, at pigilan ang mga manggagawang mag-unyon nang hindi makagiit ng dagdag na sahod sa mga employer.
Nagkukunchabahan ang US at si Marcos sa pagpiga ng dambuhalang tubo mula sa lakas-paggawa ng manggagawang Pilipino. Walang intensyong magtayo ang gobyernong Marcos ng mga pambansang industriya para patuloy na maisubo sa mga pagawaan ng malalaking dayuhang kumpanya ang manggagawang Pilipino. Para lumaki ang kita ng mga dayuhang korporasyon at maka-akit pa ng mas marami, tinitiyak ni Marcos na mababa ang sahod ng mga manggagawa.
Inaatake ni Marcos ang mga manggagawang lumalaban para sa nakabubuhay na sahod. Binubuwag ang mga unyon, pinapatay ang mga unyonista, sapilitang winawala ang mga lider-manggagawa, at kinukulong ang mga manggagawa para durugin ang anumang tangka ng mga manggagawa na igiit ang kanilang karapatan sa nakabubuhay na sahod.
Sa madaling sabi, nananatiling mababa ang sahod ng manggagawa dahil sa pagtataguyod ni Marcos ng mga polisiyang dikta ng Estados Unidos at malalaking kapitalista.
P1,200 Family Living Wage, kaya ba natin ‘to?
Oo naman! Makatwiran na ibatay sa FLW ang arawang minimum na sahod. Ito ang pamantayan ng halaga ng saligang pangangailangan ng mga manggagawa. At ayon sa Konstitusyon (Art. 13, Sek. 3), tungkulin ng gobyernong tiyakin ang karapatan ng lahat ng manggagawa sa nakabubuhay na sahod.
Sa totoong buhay, tumataas ang produktibidad nating manggagawa. Sa gitna ng pandemya, mula PhP 695 noong 2020 naging PhP 1,165 noong 2022 ang nililikhang yaman kada araw ng bawat manggagawang Pilipino. Pero kinakamkam lang ito ng mga kapitalista. Pruweba: napakababa ng sahod natin pero yumayaman ang Top 1,000 corporations mula sa PhP 700 million tungong PhP 4.3 billion sa parehong panahon.
Makatarungang singilin natin ito kay Marcos, Jr. Kayang-kaya nating abutin ang PhP 1,200 family living wage kapag sama-sama natin itong ipinaglaban!
Ito ang pwede nating gawin:
- Buuin ang pagkakaisa ng mga manggagawa – regular man o kontraktwal, unyon man o samahan, sa pabrika o sa komunidad. Kolektibo nating isulong ang laban para sa pagtataas ng sahod tungo sa nakabubuhay na antas.
- Lumahok sa pagpapakalat ng Living Wage Vote. Itakda at paalingawngawin natin na ang boto ng manggagawa ay para sa nakabubuhay na sahod.
- Hamunin natin ang mga kandidato na sumumpa para sa P1,200 na family living wage. Isang pamamaraan ang pagpapasa ng batas sa Kongreso at Senado para maabot ang nakabubuhay na sahod. Makakatulong din kung makakapagpasa ng resolusyon para sa FLW ang mga probinsya, syudad at munisipalidad.
- Dumalo sa Nobyembre 30 – Araw ni Bonifacio. Lumahok tayo sa kampanya para sa pagpapababa ng presyo ng bilihin, laban sa kontraktwalisasyon, laban sa mga atake sa pagu-unyon, at para sa kalayaan mula sa panghihimasok ng Estados Unidos sa ating ekonomiya.