Statement of Joanne Cesario, KMU Vice Chairperson for Women’s Affairs, for the Women Workers United press conference, March 6, 2023
Ngayon Buwan ng Kababaihan, malaking hamon ang kinakaharap ng mga manggagawang kababaihan sa laban para sa pagtataas ng sahod. Naipasa na sa Senado ang panukalang dagdag sahod para sa minimum wage earners sa buong bansa pero nagtatalo-talo pa ang mga mambabatas kung ipapasa ito sa Kongreso. May iba silang prayoridad.
Samantala, tuloy tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Tuloy-tuloy din naman ang pagtaas ng productivity ng mga manggagawa kada taon. Pero bakit napakababa pa rin ng minimum wage? Kung sa NCR ‘yan, P610 ang minimum, yun ay halos kalahati lamang ng P1,193 family living wage o ang kinakailangan sa isang araw ng pamilyang may 5 miyembro para mabuhay nang maayos sa isang araw.
Mababa na nga ang minimum na sahod ng lahat ng manggagawa sa bansa, higit pang mas mababa ang sahod ng kababaihang manggagawa dahil sa tinatawag na gender wage gap. Ayon sa datos ng IBON Foundation, 4.8% na mas mababa ang sahod ng mga kababaihan, at sa mas matinding mga kaso, ay umaabot pa sa 44% ang wage gap. Nakukulong ang mga kababaihan sa mga trabahong napakababa ng sahod, at kadalasan nga ay below minimum pa.
Kaya ang pagtataas ng sahod ay long overdue na po at kailangan nang isabatas sa lalong madaling panahon. Araw-araw ay subsob ang mga kababaihang manggagawa sa trabaho kaya inaasahan namin na gawin din ng gobyerno ang trabaho niya sa taumbayan.
Sa 1987 Philippine Constitution, malinaw na nakasaad na karapatan ng bawat manggagawang Pilipino na matamasa ang living wage o nakabubuhay na sahod. Yun ang kailangang unahin ng gobyerno — ang pagtataas ng sahod sa nakabubuhay na antas. Hindi ang pagbabago ng Konstitusyon. Hindi ang pagtutulak ng Charter Change na lalo lamang magpapahamak sa mga kababaihang manggagawa.